Dito sa pagkalaki-laking kaharian,
May hari at reynang nagmahalan.
Nagtatag ng kanilang hacienda at iba pang ari-arian,
Nakabuo ng mga alyansang matatag, at malawak na hukbong sandatahan.
Biniyayaan sila ng Poong Maykapal,
Apat na supling na nabuo sa pagmamahal.
Ikaw, siya, yung isa pa, at ako,
Tayo ang kumumpleto sa kahariang ito.
Malalayo man ang agwat natin,
Hindi ito naging balakid sa atin.
Nagdaan lahat sa kulit at asaran,
Kahit anong mangyari walang iwanan.
Problema sa bawat isa ay di maiiwasan,
Kasama naman iyan sa ating pagdaraanan.
Gabay galing sa hari at reyna na ating mga magulang,
Hindi sila perpekto pero kailanma'y hindi sila nagkulang.
Dagok sa buhay ay hinagupit na tayo,
Minsa'y nagtanong tayo kung bakit nagkaganito?
Nilisan tayo ng ating mahal na hari,
Iniwan ang kanyang pinakamamahal na reyna, ang kaharian at kanyang mga pag-aari.
Nagkawatak-watak dahil sa bagay na hindi napagtanto,
Umabot pa sa hidwaan, giyera, at gulo.
Tunay ngang dumarating ang mga bagay na ganito,
Ipinapaalala na dapat tumibay lahak tayo.
Ang mga bagay na iyon ay hindi na mabubura,
Kahit anong pilit baguhin, lahat ay nariyan na.
Pagusapan natin lahat at tayo'y magkakaintindihan,
Magkasakitan man, lahat tayo'y galing sa iisang laman.
Hiling sanang hindi tayo matulad sa ibang kaharian,
Nagpapatayan sa kayamanan at sakim sa kapangyarihan.
Isa man sa atin ay saktan ng hindi kilalang lapastangan,
Likas na sa ating tayo'y magdadamayan.
Kakaibang galak ang nadarama kapag tayo ay buo.
Hindi maikakaila sa mata ng ating mahal na reyna.
Ramdam rin natin na kahit sa lahat ng mga dilubyo,
Hindi man makalimutan, hatid nito sa atin ay lubos na ligaya.
Malupit ang pagmamahal na ipinamana ng hari at reyna,
Tumatak sa bawat utak natin at mga kaluluwa.
Mga natutunan natin ay siya ring ipamamana natin,
Sa mga susunod na angkan pagkatapos natin.
No comments:
Post a Comment